Pinawi ng Bases Conversion and Development Authority o BCDA ang mga pangamba ng publiko sa pagsusulong ng Pax Silica Project dahil ang tanging layunin lang nito ay itulak ang modernisasyon at mabigyan ng dagdag na trabaho ang mga Pilipino.
Ito ang naging pahayag ni BCDA President and CEO Engr. Joshua Bingcang, kung saan iginiit din nito na hindi basta pababayaan ang mga komunidad na direktang maaapektuhan ng proyekto sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Oras kasi na umarangkada na ang Pax Silica Project, ay makalilikha ito ng nasa 200,000 direct jobs sa loob mismo ng AI Industrial hub.
Target din nito na magbigay ng high-skill jobs upang hikayatin ang mga skilled Filipino workers na huwag nang lumabas ng bansa at manatili na lang sa Pilipinas upang gamitin ang kanilang talent sa local na industriya.
Giit ni Bingcang na nangangahulugan ito ng “brain gain” at hindi “brain drain” sa bansa.
