Sinimulan na ng Quiapo Church ang maagang paghahanda para sa Nazareno 2027 matapos tumagal nang halos 31 oras ang Traslación ngayong taon, ang pinakamahaba sa kasaysayan.
Ayon kay Quiapo Church Rector and Parish Priest Fr. Ramon Jade Licuanan, nakikipag-ugnayan na ang simbahan sa mga ahensya ng pamahalaan para sa seguridad, crowd control at logistics dahil milyon-milyong deboto ang inaasahang dadalo sa susunod na taon.
Sinabi ni Licuanan na nagsasagawa na rin ng mga pulong kasama ang pulisya, militar at mga kinatawan ng Malacañang bilang bahagi ng paghahanda.
Hinihikayat din ng Quiapo Church ang mga diyosesis sa buong bansa na magsagawa ng sariling pagdiriwang sa pamamagitan ng Dalaw Nazareno program upang mabawasan ang dagsa ng mga deboto sa Maynila.
“Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon” ang magiging tema ng Nazareno 2027.
Binuksan na rin ng Quiapo Church ang patimpalak para sa opisyal na logo ng pagdiriwang na nakatanggap na ng 40 entries.