Umabot na sa P1.73 bilyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura bunsod ng epekto ng habagat at ng magkakasunod na bagyong Luis, Maymay, at Neneng.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture (DA), naitala ang nasabing halaga sa pitong rehiyon kabilang ang Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, at Western Visayas.
Ayon sa DA, umabot na sa 50,277 ang bilang ng mga apektadong magsasaka at mangingisda, habang nasa 40,954 ektarya naman ng agricultural areas ang natamaan.
Nasa 43,220 metriko tonelada rin ng mga produkto ang napinsala, kabilang ang palay, mais, cassava, high value crops, pangisdaan, at mga alagang hayop, gayundin ang mga agri-fisheries infrastructure, makinarya, at iba pang kagamitan.
Tiniyak naman ng DA na makakaasa ng tulong at ayuda ang mga apektadong magsasaka at mangingisda. | ulat ni Diane Lear