Nakadepende sa lalabas na mga ebidensya at sa mga katotohanang kailangan pang patunayan kung ipatatawag ng House prosecution team si Ramil Madriaga upang tumestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., spokesperson at counsel ng House prosecution panel, patuloy nilang sinusuri ang listahan ng mga testigo habang nagpapatuloy ang pagpiprisinta ng ebidensya para sa unang impeachment article ang “misuse of confidential fund”.
Maaalalang sa pagdinig ng House Committee on Justice, binasa ni Madriaga—na nagpakilalang bagman umano ng Bise Presidente—ang kanyang supplemental affidavit.
Dito ay inangkin niyang personal niyang ginastos at ipinamahagi ang ₱125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022 sa loob lamang ng mas mababa sa 24 oras sa ilalim ng direktang utos ni Duterte.
Paliwanag ni Tolosa, ang pagharap kay Madriaga bilang testigo ay magmumula sa pagsusuri ng mga naisumite nang dokumento at pahayag ng iba pang testigo.