Nananatiling sapat ang suplay ng bigas at ilan pang pangunahing produktong agrikultural sa bansa sa kabila ng pananalasa ng mga nagdaang bagyong Luis, Maymay, at Neneng, gayundin ang epekto ng Habagat.
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Agriculture, umabot na sa mahigit ₱1.7 bilyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa sama ng panahon, katumbas ng mahigit 40,000 toneladang apektadong farm inputs.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, patuloy ang kanilang pagtulong at pagbibigay ng interbensiyon sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda.
Kasama na rito ang agarang tulong na mahigit 3,000 sako ng bigas mula sa National Food Authority para sa Ilocos Region, Cagayan, MIMAROPA, at Central Luzon.
Tiniyak ng DA na nananatiling mataas ang stock ng bigas, kasama na ang imbentaryo mula sa imports, kaya naman wala silang nakikitang dahilan para sumipa ang presyo ng bigas. Tinutulungan na rin ng DA ang mga magsasaka na maibaba ang mga upland crops at gulay sa Metro Manila upang mapanatili ang presyo ng mga ito at maiwasan ang tinatawag na “artificial shortage” na maaaring magdulot ng pagtaas sa presyo ng gulay.