Nagbunga agad ang maagap na pagresponde ng Department of Information and Communications Technology (DICT) matapos mabilis na maibalik sa 100 porsyento ang telecommunications connectivity sa mga lugar na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at matinding Habagat.
Ayon sa DICT, malaking bagay ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang telcos sa restoration efforts upang agad maibalik ang serbisyo sa mga lugar na nawalan ng koneksyon.
Ang nasabing hakbang ay bahagi ng kanilang Digital Bayanihan initiative, kung saan nagtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor upang mapanatili ang komunikasyon, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking tuloy-tuloy ang connectivity at mabilis na naihahatid ang kinakailangang serbisyo sa mga apektadong komunidad. Patuloy rin ang ginagawang pagpapalakas ng internet connectivity ng DICT sa iba’t ibang Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDAs, na nakaangkla sa mga target ng administrasyong Marcos.