Pinatawan ng 30-araw na suspensyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng passenger jeepney na sangkot sa road crash sa San Mateo, Rizal noong Agosto 20.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Greg Pua, naglabas din ang LTFRB ng Show Cause Order laban sa operator at iniutos ang pagsuko ng plaka ng jeepney bago ang unang pagdinig sa Setyembre 4.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, mabilis umano ang takbo ng jeepney at nag-overtake ito sa kabilang linya ng kalsada.
Hindi umano naiwasan ng driver ang motorsiklong minamaneho ng 43-anyos na babae.
Isinugod sa ospital ang rider ngunit idineklarang patay dahil sa malubhang pinsalang tinamo sa banggaan. Pinagpapaliwanag ng LTFRB ang operator kung bakit hindi dapat bawiin ang prangkisa dahil sa umano’y mga paglabag, kabilang ang pag-empleyo ng reckless driver.