Isa ang nasawi habang 19 na sibilyan ang naaresto matapos umanong lumabag sa ipinatutupad na gun ban kaugnay ng BARMM Parliamentary Elections.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng Commission on Elections (COMELEC), walo ang naaresto sa Maguindanao del Sur, anim sa Maguindanao del Norte, dalawa sa Isabela City at tatlo sa Lanao del Sur. Isa sa mga ito ang nasawi sa isang police operation.
Ayon sa COMELEC, pawang mga sibilyan ang mga naaresto. Nakumpiska rin ng mga pulis ang mahigit 100 bala at 27 baril, na karamihan ay small arms.
Batay rin sa datos, nakapagtala ang COMELEC Monitoring Report ng isang pinaghihinalaang marahas na election-related incident.
Nagsimula ang pagpapatupad ng gun ban sa rehiyon noong Hulyo 26, 2026, at tatagal hanggang Setyembre 29, 2026. Mahigit 24,000 COMELEC checkpoints naman ang nakakalat sa buong rehiyon. Una nang sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na nananatiling generally peaceful ang sitwasyon sa BARMM ilang linggo bago ang Parliamentary Elections sa Setyembre 14, 2026.