Lumobo na sa ₱1.91 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura at pangisdaan dahil sa Habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), inaasahang madaragdagan pa ang pinsala habang nagpapatuloy ang assessment at validation sa mga apektadong lugar.
Apektado ang walong rehiyon, kabilang ang Cordillera, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol at Western Visayas.
Sa ulat ng DA, nasa 61,237 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan.
Samantala, 54,611 ektarya ng agricultural areas ang napinsala at 47,772 metric tons ng produksyon ang nawala.
Kabilang sa mga naapektuhan ang palay, mais, cassava, high-value crops, fisheries, livestock at poultry, pati na rin ang mga imprastraktura, makinarya at kagamitan sa agrikultura at pangisdaan.
Nasa ₱237.99 milyon na halaga ng agricultural inputs ang inilaan ng DA, habang ₱35.67 milyon na indemnification ang nakalaan para sa 5,005 insured na magsasaka at mangingisda.