Pinayagan ng Sandiganbayan 5th Division si Senador Jinggoy Estrada na lumabas muna sa New Quezon City Jail sa Miyerkules, Agosto 26, upang sumailalim sa knee X-ray sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan.
Sa desisyon ng korte, inaprubahan ang medical procedure, kasunod ng mga kondisyong itinakda nito.
Ayon sa abogado ni Estrada, nakararanas ang senador ng joint effusion sa dalawang tuhod na dati nang na-diagnose na may osteoarthritis at muling sumasakit.
Alas-11 ng umaga lalabas si Estrada para sa nakatakdang procedure dakong alas-1 ng hapon.
Kailangan niyang makabalik sa kulungan bago mag-alas-3 ng hapon, kasama ang security escorts, at siya mismo ang sasagot sa lahat ng gastusin.
Ipinagbabawal din ng korte ang pagsama ng mga taong hindi kabilang sa pamilya, abogado at doktor ni Estrada, gayundin ang pagkuha ng larawan o video at pagpo-post sa social media.
Inatasan din si Jail Warden JSUPT. Maria Lourdes Pacion na magsumite ng compliance report sa loob ng tatlong araw.