Photo courtesy of Light Rail Transit Authority
Iniulat ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang mga benepisyo na maaaring makuha ng mga senior citizen.
Sa panayam ng programang Golden Heart, sinabi ni Jesson Luis Tamondong, Public Relations Officer ng LRTA, na mas pinadali na ang pagkuha ng diskwento sa pagsakay sa tren sa pamamagitan ng concessionary beep card. Layon ng white beep card na makapagbigay ng 50% discount para sa senior citizens, PWDs, at mga estudyante.

Maaari nilang makuha ang concessionary beep card sa pamamagitan ng Public Assistance Office sa mga istasyon ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Bukod dito, naglunsad din ang LRTA ng special boarding area at passenger cooling area para gawing komportable ang paghihintay ng mga pasahero.

Dagdag pa ni Tamondong, mayroong nakatalagang trained personnel sa mga istasyon ng LRT Line 2 na bihasa sa pagbibigay ng first aid. Nakipag-ugnayan din anila ang kanilang ahensya sa malapit na mga ospital upang sumaklolo sa oras ng emergency.
Binigyang-diin ni Tamondong na ang mga insiyatiba at programa na inilalatag ng LRTA ay para sa mas ligtas at maginhawang biyahe ng mga pasahero ng tren.