Umapela si House Deputy Majority Leader at Camarines Sur Rep. Luigi Villafuerte sa 20th Congress na bigyang-prayoridad sa Second Regular Session ang dalawang magkatuwang na panukalang batas na naglalayong patatagin ang kakayahang pandepensa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Isinulong ang mga panukalang ito sa gitna ng tumitinding banta sa pambansang seguridad, kabilang ang patuloy na panggigipit ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Villafuerte, mahalagang suportahan ng Kongreso ang commitment ng Pangulo sa pangkalahatang modernisasyon ng militar.
Naglalaan ang dalawang panukalang batas ng kabuuang ₱15 bilyong pondo para sa rehabilitasyon ng mga lumang eroplano at helicopter, pati na rin sa pagbili at lokal na paggawa ng mga unmanned aerial system (UAS) o drones.
Ang mga pangunahing panukalang batas ay ang House Bill 1362 (National Defense Drone Act) House Bill 1363 (Military Air Asset Rehabilitation and Modernization Act).