Kinumpirma ngayon ng Bureau of Customs (BOC) na maglalabas na ito ng warrant of seizure laban sa supercar na pagmamay-ari ng artistang si Derek Ramsay.
Kasunod ito ng pagkaka-impound ng LTO ng sasakyan matapos na mahuling gumagamit ng pekeng plaka.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, ikakasa na ang preliminary investigation at pagpapaliwanagin ang mga importer, consignee, gayundin ang mga tauhan ng BOC at LTO na sangkot sa transaksyon.
Natuklasang misdeclared ang sasakyan sa BOC nang ipasok sa bansa noong 2021. Porsche Boxster lamang ang idineklarang modelo sa halip na ang aktwal na Porsche 918 Spyder, na tinatayang nasa P50 milyon hanggang P100 milyon ang halaga kada unit.
Ayon kay Nepomuceno, dapat umabot sa tinatayang P35 milyon ang nabayarang buwis para sa sasakyan, malayo sa P1.8 milyon lamang na idineklarang nabayaran noong 2021.
Kwestyunable rin umano ang import entry at certificate of payment na isinumite sa LTO.
Sa ilalim ng Warrant of Seizure and Detention (WSD), dadaan na ang sasakyan sa proseso at kapag napatunayang may mali ngang deklarasyon at hindi nagbayad ng tamang buwis ay direktang kukumpiskahin at ilalagay na sa kustodiya ng gobyerno.
Sa oras namang mangyari ito, ipapasubasta aniya ito ng BOC.
Bukod naman sa imbestigasyon ng BOC, susuriin din ng LTO kung paano nakakuha ng mga dokumento at rehistro ang sasakyan kahit may nakitang problema sa deklarasyon nito sa Customs.
Kaugnay nito, sinabi rin ni LTO Chief Marcus Lacanilao na pananagutin ang lahat ng mapatutunayang sangkot, kabilang ang mga tauhan ng ahensya.