Inusisa ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima ang karagdagang fiscal transfers sa mga lokal na pamahalaan na ibinibigay bukod sa National Tax Allotment (NTA).
Sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), binanggit ni De Lima na mula P1.19 trillion sa 2026 General Appropriations Act, tataas sa P1.32 trillion ang NTA sa 2027 National Expenditure Program.
Bukod dito, may P58.5 billion na nakalaan sa Local Government Support Fund (LGSF), kabilang ang pondo para sa NTF-ELCAC, FALGU at Growth Equity Fund (GEF).
Tinanong ni De Lima kung nangangahulugan ito na sobra na ang pondong natatanggap ng ilang LGU, lalo na’t may mga fiscal transfer na discretionary at bukod sa NTA.
Sa tugon ni DBM Secretary Kim De Leon, posibleng may surplus o sobrang kita ang ilang high-income LGU, ngunit hindi ito nangangahulugan na sobra ang pondo ng lahat ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay De Leon, nananatiling nangangailangan ng tulong ng national government ang mga fourth- at fifth-class municipalities dahil mas limitado ang kanilang kita at kapasidad na tustusan ang mga devolved functions.
Ipinaliwanag niyang kabilang sa mekanismong ginagamit para tugunan ang ganitong agwat ang Growth Equity Fund, na nakatuon sa pagtulong sa mga lower-income LGU.