LUNGSOD NG MAKATI, 24 Agosto, 2026— Hinihiling ng Department of Education (DepEd) ang isang permanenteng at nakalaang line-item allocation sa pambansang badyet para sa Fiscal Year 2027 upang matugunan ang mga kakulangan sa kaligtasan sa batayang sistema ng edukasyon.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nakikipag-ugnayan na ang Kagawaran sa mga mambabatas para sa pagtatakda ng hiwalay na line-item sa mga susunod na pambansang badyet.
Layunin nito na matiyak na ilalaan lamang ang pondo para sa seguridad sa mga paaralan at mga hakbang sa proteksyon ng mga mag-aaral.
Isinasalin ng panukalang ito ang mga rekomendasyon tungo sa mga konkretong budget item para sa 2027, na nagpapatibay sa mga umiiral nang hakbang sa kaligtasan sa ilalim ng Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE) policy o ang DepEd Order No. 6, s. 2026.
“Ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral ay nangangailangan ng patuloy at sapat na pamumuhunan. Kaya sa panukalang 2027 budget, nakatutok tayo sa pagpopondo sa seguridad, crisis preparedness, emergency response, training ng ating mga tauhan, at pangkalahatang learner support bilang magkakaugnay na prayoridad,” pahayag ni Secretary Angara.
Sa ilalim ng hiling na line-item na badyet, direktang ilalaan ang pondo para sa mga kritikal na pasilidad sa seguridad at mga suportang tauhan, kabilang ang mga security guard, School Counselor Associates (SCAs), closed-circuit television (CCTV) system, bakod ng paaralan, at mga walk-through at handheld metal detector.
Layunin ng mas malawak na pagtatalaga ng mga School Counselor Associate na makabuo ng isang early intervention system upang maagang matukoy ang mga red flag sa pag-uugali, anti-bullying, at mental health bago pa ito humantong sa mas malalang insidente sa kampus.
Hinihimok din ng DepEd ang mga pamahalaang lokal (LGU) na suportahan ang pondo sa pamamagitan ng paggamit ng Special Education Fund (SEF) para sa mga agarang pangangailangan sa seguridad.
“Habang ginagawa natin ang ating bahagi sa pambansang badyet, itinutulak din natin ang pakikipagtulungan sa mga LGU na mayroong SEF dahil shared responsibility ng buong lipunan ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral,” pahayg ni Angara.
Ang pangkalahatang estratehiyang ito ay alinsunod sa patuloy na DepEd School Safety Campaign sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nagsusulong ng whole-of-government at whole-of-nation approach para sa seguridad ng mga paaralan at proteksyon ng mga mag-aaral.
Inilahad ni Angara na bagama’t sakop ng kasalukuyang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ang pangkalahatang pangangailangan ng mga paaralan, madalas itong napupunta sa bayarin sa kuryente at tubig, kagamitan sa pagtuturo, at administrative upkeep, kaya nagkukulang ang badyet para sa seguridad at mga nakalaang tauhan.
“Sa kasalukuyan, umaasa lang ang karamihan sa MOOE. Dahil nagkakaiba ang MOOE depende sa laki ng paaralan, hindi pantay-pantay ang kapasidad nilang magpatupad ng seguridad. Kapag naging ganap na line item ito, mas matutugunan natin ang pangangailangan ng bawat eskwelahan nang mas mabilis at organisado,” dagdag ni Angara.
Nagmula ang panukala sa isang pambansang school safety audit na naglantad sa mga paulit-ulit na kakulangan sa seguridad sa mga pampublikong paaralan. Kasabay nito, binibigyang-diin din ng DepEd ang kalusugang pangkaisipan at psychosocial support sa ilalim ng panukalang badyet na PHP976 bilyon para sa FY 2027.
Muling pinagtibay ng DepEd ang komitment nitong makipagtulungan sa Kongreso, mga LGU, iba pang ahensya ng gobyerno, Philippine National Police (PNP), at civil society partners upang tiyaking ang pondo ng bayan ay direktang magreresulta sa mas ligtas at matatag na mga paaralan sa buong bansa. | DepEd Press Release