Ibinida ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na nasa era ng economic expansion ang Pilipinas, kasabay ng patuloy na paglago ng exports ng bansa.
Sa pagtalakay sa panukalang budget ng DTI para sa susunod na taon, sinabi ni Roque na umakyat ng 15.4 porsiyento ang Philippine exports noong 2025.
Nagpatuloy aniya ang paglagong ito ngayong 2026, kung saan tumaas ang exports ng 8.7% noong Enero, 8.9% noong Pebrero, 20.4% noong Marso, 7.2% noong Abril, 7.6% noong Mayo, at 24.1% noong Hunyo.
Para kay Roque, patunay ito na tinatangkilik sa pandaigdigang merkado ang mga produktong Pilipino.
Bukod sa semiconductor, electronics, minerals at automotive products, sinabi ng kalihim na malaki rin ang potensyal ng agricultural exports, partikular ang coconut, banana, at pineapple products.
Lumalakas din ang demand sa mga produkto tulad ng ube at calamansi, kaya dapat pang palakasin ang sektor ng agrikultura upang makinabang ang mga magsasaka at kanilang komunidad.
Kasabay nito, nais ng DTI na dagdagan ng ₱100 million ang pondo para sa international marketing at mas mapalawak ang partisipasyon ng mga lokal na negosyo at MSMEs sa mga international trade fair.
Ayon kay Roque, mahalagang mas maraming produktong Pilipino ang maipakita sa pandaigdigang merkado upang mapalawak ang market access at mapanatili ang momentum ng exports.