Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng ₱1 bilyon sa University of the Philippines System para palakasin ang Project NOAH, partikular ang AI-powered flood forecasting, real-time hazard monitoring, at disaster prevention.
Layunin nitong matulungan ang gobyerno at mga komunidad na maagang matukoy ang panganib at makakilos bago pa tumama ang sakuna.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, hindi kailangang hintayin na tumaas ang tubig bago kumilos. Kailangang malaman kung saan ang panganib, sino ang maaaring maapektuhan, at ano ang dapat gawin bago ang disaster.
Sa ₱1 bilyong pondo, ₱935 milyon ang ilalaan sa research services, habang ₱65 milyon naman para sa general management at supervision ng Project NOAH.
Gagamitin ang pondo sa pagbili at deployment ng mga ICT, digital, technical, at scientific equipment, pagkuha ng specialized technical personnel, at pagtatayo ng mga operational support system para mapahusay ang hazard assessment at forecasting sa bansa.
Pinamumunuan ng UP Resilience Institute, gumagamit ang Project NOAH ng AI-enhanced modeling, LiDAR mapping, data analytics, at iba pang digital technologies para makagawa ng real-time hazard assessments at predictive flood scenarios.
Makakatulong ang mga impormasyong ito sa national at local governments na makapagdesisyon nang mas mabilis at mas maaga, bago at habang may emergency.
Binigyang-diin ni De Leon, na ang pagpapalakas ng disaster prevention ay proteksiyon din sa pera ng bayan. Sa pamamagitan ng mas mahusay na forecasting at preparedness, maaaring mabawasan ang pinsala sa mga bahay, kabuhayan, imprastraktura, at iba pang investments ng gobyerno.