Nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi mga AI data center ang itatayo sa New Clark City bilang bahagi ng proyekto sa ilalim ng Pax Silica partnership.
Sa budget hearing sa Kamara, sinabi ni DTI Undersecretary Perry Rodolfo, na ang proyekto sa New Clark City ay nakatuon sa advanced manufacturing, partikular sa paggawa ng mga kagamitang gagamitin sa AI data centers.
Dahil dito, pinawi ng DTI ang mga pangamba sa posibleng malaking konsumo ng kuryente at tubig ng AI data centers, na sinabing hindi naman mismong itatayo sa New Clark City.
Gayunman, aminado ang ahensya na mangangailangan pa rin ng kuryente at tubig ang advanced manufacturing.
Kaya bahagi umano ng kasunduan na ang developer ng proyekto ang kailangang magtayo ng sariling power infrastructure, magsiguro ng sariling suplay ng tubig, at tiyaking mare-reuse ang tubig.
Ipinaliwanag din ni Rodolfo, na ang Pax Silica ay isang partnership at hindi iisang proyekto lamang, na kinabibilangan na ng 23 bansa para palakasin ang supply chain para sa AI technology ecosystem.
Aniya, ang proyekto sa New Clark City ay isa lamang sa mga proyektong isinusulong ng Pilipinas sa ilalim ng partnership at nakatuon sa advanced manufacturing.
Samantala, sinabi ng DTI na maaaring sa ibang lugar itayo ang mga data center kung saan mas angkop ang suplay ng tubig at kuryente.
Inaaral din aniya ang iba pang proyekto tulad ng isang IC Design National Hub.