Kinikilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang positibong balita na pagbaba ng poverty incidence sa bansa na isang malaking testamento na gumagana na ang mga ginagawang whole of government approach poverty alleviation measures para sa bansa.
Sa panayam ng programang BOSES, sinabi ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na kabilang sa mga naka-ambag sa pagpapababa ng poverty incidence sa bansa ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps at ang Walang Gutom Program.
Ani Dumlao, ang dalawang programang ito ay naka-sentro sa pag-aangat ng estado ng pamumuhay ng mga mahihirap na pamilya kung saan inaalalayan sila ng pamahalaan hanggang kayanin na nilang maka-alpas sa kahirapan.
Naka-ambag din ayon sa DSWD ang iba pang safety nets ng pamahalaan tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na isang kasiguruhan upang hindi na bumagsak pa sa poverty line ang mga Pilipinong apektado ng krisis o kalamidad.
Aminado ang DSWD na multi-dimensional ang pagtugon sa isyu ng kahirapan kaya naman hindi tumitigil ang pamahalaan na harapin, tugunan at solusyunan ang mga bagay na ito.