Flood management ang magiging approach ng U.P. Project Noah sa tulong ng isang bilyong pisong pondo na ni-release ng DBM para sa nasabing proyekto gamit ang Artificial Intelligence o AI.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Project Noah Executive Director, Dr. Mahar Lagmay, kinlaro nito na bagamat gagamit ng Artificial Intelligence ang Project Noah, dapat na malaman ng publiko ang mahalagang papel ng mga scientist at mga highly technical and professional personnel na siyang mangangalap at magbibigay ng real time data gamit ang mga high tech na equipment sa AI upang magawa nito ang Flood Forecasting and Disaster Prevention sa buong bansa.
Dagdag pa ni Dr. Lagmay, gamit ang mga datos na gagabay sa AI, makakatulong ang Project Noah sa pagbibigay ng impormasyon sa dami ng pagtaas ng tubig sanhi ng bagyo o habagat, saan ito dadaloy at maging pagguho ng lupa o landslides, ano ang maaaring maging epekto nito sa mga kabahayan at imprastraktura bago pa man ito makapaminsala o kumitil ng buhay.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na din, ayon kay Dr. Lagmay, ang DPWH upang humingi ng assessment at forecast sa flood control at infrastructure projects ng ahensya.
Matatandaang nagsimula ang Project NOAH noong July 2012 sa ilalim ng Department of Science and Technology bilang tugon sa epekto ng bagyong Sendong noong 2011 ngunit pansamantalang huminto hanggang mailipat sa ilalim ng University of Philippines noong 2017.