Sumampa na sa mahigit 9,500 classrooms sa buong bansa ang napinsala dahil sa pinalakas na Habagat at mga nagdaang bagyo, ayon sa Department of Education (DepEd).
Batay sa pinaka-huling assessment ng DepEd, 1,594 na paaralan ang naapektuhan, habang nasa 9,597 classrooms ang nagtamo ng minor hanggang major damage.
Pinakamalaki ang pinsala sa Central Luzon, kung saan 3,596 classrooms sa 412 paaralan ang naapektuhan.
Umabot naman sa 126,584 learners sa rehiyon ang naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara, na pangunahing prayoridad ngayon ng ahensya ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, habang sinisikap na mabawasan ang epekto ng kalamidad sa kanilang pag-aaral.
Kinakailangan ng DepEd ng paunang Php318.01 million para sa minor repairs at cleanup ng 1,594 na apektadong paaralan.
Kukuha ang DepEd ng pondo mula sa Disaster Preparedness and Response Program, gayundin sa special budget request sa Department of Budget and Management (DBM).
Tinatayang aabot naman sa Php2.604 billion ang kakailanganin para sa major repairs at reconstruction ng mga paaralan sa buong bansa.