Inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang aplikasyon ng apat na higher education institutions para mag-alok ng Doctor of Medicine programs simula Academic Year 2026–2027.
Kabilang dito ang Tarlac State University at North Eastern Mindanao State University na pinagkalooban ng Government Permit, para sa unang dalawang taon ng kanilang medical programs.
Binigyan naman ng Certificate of Program Compliance ang Cavite State University at Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa para sa kanilang Doctor of Medicine programs.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, makatutulong ang mga bagong programang ito sa pagpapalawak ng access sa medical education at pagdaragdag ng mga doktor at healthcare professionals sa bansa.
Sinabi ni Agrupis, na kailangang mapanatili ang kalidad ng medical education kasabay ng pagpapalawak ng mga oportunidad para sa mga nais maging doktor.
Sumailalim sa evaluation ng CHED ang apat na institusyon upang matiyak ang pagsunod sa minimum requirements para sa Doctor of Medicine program.