Pinalakas pa ng Commission on Audit (COA) ang auditing process nito kasunod ng mga natuklasang problema sa Philippine Contractors Accreditation Board o PCAB, kabilang ang umano’y “license-for-rent” scheme.
Ayon kay COA Commissioner Douglas Michael Mallillin unang tinutukan ng COA ang qualifications ng mga contractor at posibleng conflict of interest sa PCAB.
Bukod dito, sinuri rin ng COA ang mga kaugnay na sistema sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang ang datos ng mga contractor na nakakakuha ng malalaking proyekto, at nakikilahok sa bidding.
Sinabi ni Mallillin na ginagamit ng COA ang tinatawag na “reverse engineering” para maiugnay ang mga contractor sa kanilang PCAB records at matukoy ang posibleng mga iregularidad.
Aniya, mula sa dating financial audit, pinalawak na rin ng COA ang pagsusuri nito sa compliance at performance audit para matukoy ang mga kahinaan at red flags sa sistema.