Binigyang-diin ng isang ekonomista ang kahalagahan ng credit ratings ng isang bansa bilang mahalagang batayan ng mga mamumuhunan.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service sa ekonomistang si Professor Astro Del Castillo, sinabi nito na ang ibinigay na grado ng Rating and Investment Information, Inc. (R&I) na “A-” at ng Moody na “Baa2” ay patunay na nananatiling matatag ang tiwala ng mga mamumuhunan sa ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon kay Del Castillo, ipinakikita ng mga nasabing grado na mayroong stable outlook sa Pilipinas sa kabila ng mga hamong kinahaharap ng bansa sa kasalukuyan.
Aniya, kapag maraming pumapasok na mga foreign investment, makapagbibigay ito ng maraming trabaho sa mga Pilipino at tataas ang ekonomiya ng bansa.
Kasabay nito, pinayuhan ng ekonomista ang pamahalaan na tiyaking maayos ang paggastos sa mga proyekto nito, lalo na sa mga imprastruktura, maging sa digital infrastructure, at iwasan ang mga personal na politikal na interes upang tuloy-tuloy ang paglago ng ekonomiya sa mga susunod na taon.