Sa isang makasaysayang tagumpay sa procurement, matagumpay na nakuha ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng 105 target na textbook titles para sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya.
Sakop ng procurement ang mga learning resource para sa mga sunod-sunod na phase ng pagpapatupad ng kurikulum—nagsimula sa Grades 1, 4, 7, at Senior High School (SHS) noong 2024; sinundan ng Grade 3, 2, 5, at 8 noong 2025; at Grades 6, 9, at 10 ngayong 2026, kung saan kumpleto na ang lahat ng phases ngayong taon.
Ang milestone na ito ay nagbago sa sistema ng probisyon sa mga kagamitang pampagkatuto sa bansa, kung saan halos apat na beses ang dami ng nakuha nitong titulo kumpara sa kabuuang nabili sa nakalipas na dekada.
Tugon ito sa matagal nang problema at sistematikong balakid sa procurement na inihayag ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).
Sa ulat ng komisyon, lumabas na nakabili lamang ang DepEd ng 27 sa kabuuang 88 kinakailangang titulo mula 2014 hanggang 2023.
Samantala, natapos na ang bid opening stage para sa procurement ng K-12 textbooks at teachers’ manuals para sa Senior High School (SHS) Core Subjects, kung saan may pumasok na bidders sa lahat ng lots. Kasalukuyan na itong sumasailalim sa detailed evaluation ng mga bidding document, bago ang pormal na pagtatapos ng proseso at paggawad ng kontrata.
Kapag naigawad na ang kontrata, isusunod agad ang produksyon, nationwide delivery, at logistics monitoring, kung saan inaasahang makukumpleto ang buong distribusyon bago matapos ang Disyembre 2026.
“For ten years, our public school system was trapped in a cycle where procuring a single textbook title took up to three years, leaving millions of learners and teachers without the fundamental tools they needed,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.
“When 27 titles in a decade is your baseline, delivering 105 titles in a single year isn’t just an administrative achievement; it is a fundamental restoration of service to our learners,” dagdag ni Angara.
“We dismantled unnecessary bottlenecks, strictly enforced timeline discipline, and proved that transparency, speed, and quality control can go hand-in-hand to ensure our schools receive complete, high-quality learning resources without delay.”
Mabilis na umusad ang proseso dahil sa mga pagbabago sa patakaran—mula sa 31 porsyentong completion rate noong 2014–2023, umakyat ito sa 57 porsyento para sa pinagsamang taon ng 2024 at 2025, hanggang sa maabot ang 100 porsyento ngayong taon.
Bunga ang lundag na ito ng pagpapatupad ng DepEd Order No. 008, series of 2025. Sa ilalim nito, naglagay ng mahigpit na limitasyon sa panahon ng proseso, mandatoryong blind content evaluation, at pag-alis sa mga paulit-ulit na yugto ng pagsusuri.
Sa mga bagong panuntunan, natatapos ang paunang technical check sa loob lamang ng limang araw, nilimitahan sa 90 araw ang content evaluation, at inihiwalay ang presyo ng aklat sa scoring para sa kalidad ng materyales.
Kapag pumasa na ang isang titulo sa lahat ng yugto ng quality assurance, direkta na ito sa procurement nang walang karagdagang pagbabago sa teksto. Inalis nito ang matagal na proseso ng pag-aapruba na naging dahilan ng kawalan ng mga pinakabagong aklat sa mga silid-aralan.
Sa ilalim ng bagong governance framework, malinaw na rin ang responsibilidad ng bawat antas ng ahensya—mula sa pagsubaybay ng Central Office hanggang sa pagsubaybay sa paghahatid ng mga regional office, division office, at mga punong-guro.
Kasalukuyan nang nasa proseso ng procurement at pambansang pamamahagi ang lahat ng 105 na-aprubahang printed at electronic textbook titles para magamit na sa mga silid-aralan.
Ang programang ito ay alinsunod sa utos ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na siguruhin na ang bawat kabataang Pilipino ay may sapat at direktang access sa de-kalidad na edukasyon. Bawat bata, may sariling libro.