Target ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtayo ng malaking detention basin sa EDSA-Balintawak bilang pangunahing hakbang para mabawasan ang matinding pagbaha sa lugar.
Ngayong umaga, ininspeksyon ni DPWH Sec. Vince Dizon ang lugar kasama si NLEX Pres. Luis Reñon at mga opisyal ng QC LGU.
Ayon sa kalihim, itatayo ang detention basin sa bahagi ng Andres Bonifacio Monument, na inaasahang makatutulong hindi lamang sa EDSA kundi maging sa mga lugar pababa hanggang G. Araneta Avenue.
Ang pasilidad ay ididisenyo katuwang ang Quezon City government, habang makikipagtulungan din ang NLEX sa proyekto.
Sinabi ni Sec. Dizon na kung agad na makukuha ang kinakailangang right-of-way, posibleng matapos ang proyekto bago ang susunod na rainy season sa susunod na taon.
Bukod sa detention basin, palalawakan rin umano ng DPWH ang dredging ng Balingasa Creek at gayundin ang mgadrainage inlet bilang karagdagang hakbang para mapabilis ang pagdaloy ng tubig at mabawasan ang pagbaha sa Balintawak at mga karatig-lugar.