Itinuturing na ‘isolated incident’ ng Philippine National Police (PNP) ang nangyaring girian sa pagitan ng ilang tauhan ng Highway Patrol Group – National Capital Region (HPG-NCR) at ng Bureau of Customs (BOC) sa Sta. Maria, Bulacan, kamakailan.
Ayon kay PNP Spokesperson, Police Colonel Allen Rae Co, kinilala at binibigyang pansin ni PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang insidente gayundin ay pinahahalagahan nito ang magandang ugnayan sa BOC.
Kasunod nito, inatasan ni Nartatez ang Directorate for Intelligence and Detective Management (DIDM) para magsagawa naman ng imbestigasyon sa kaso.
Gagamitin aniya ng DIDM ang lahat ng kinakailangang units upang alamin ang buong pangyayari at matukoy ang katotohanan sa insidente.
Samantala, nilinaw ni Co na hindi nangangahulugang guilty na ang 13 tauhan ng HPG na unang sinibak sa kanilang mga puwesto matapos ang insidente.
Aniya, isinagawa ang administrative relief upang matiyak ang patas at walang kinikilingang imbestigasyon at maiwasang maimpluwensyahan ng mga sangkot ang proseso.