Humiling ng tulong sa Kongreso ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para mabuksan ang karagdagang plantilla positions para sa welfare officers nito sa ibang bansa.
Ayon kay OWWA Administrator PY Caunan, 34 lamang ang kasalukuyang plantilla positions para sa welfare officers abroad, kaya kinakailangan ng dagdag na personnel bilang frontline responders sa mga OFW, lalo na kapag may krisis.
Kasabay nito, nais din ng OWWA na madagdagan ang medical retainers o medical service arrangements para sa mga OFW na nangangailangan ng serbisyong medikal na hindi sapat na nasasaklaw ng kanilang insurance.
Sinabi ni Caunan na mayroon nang medical arrangements ang OWWA sa Abu Dhabi, Jordan, Qatar, at Dubai, ngunit kailangan pa itong palawakin dahil dumarami ang health concerns ng mga OFW.
Binigyang-diin din ng opisyal ang pangangailangan ng psychosocial counseling para sa mga distressed OFW, partikular sa mga domestic worker na nakararanas ng matitinding problema habang nagtatrabaho abroad.
Ayon sa OWWA, may mga kaso rin ng mga anak ng OFW na naaapektuhan ng mga problemang nararanasan ng kanilang mga magulang at nangangailangan ng counseling at intervention upang makabalik sa kanilang pag-aaral.