Tiniyak ni Dr. Rontgene Solante, Chairman at Head ng Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine Department ng San Lazaro Hospital sa Maynila na hindi pa maituturing sa ngayon na nakakaalarma ang patuloy na pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa buong bansa.
Sa ambush interview sa pagbisita ni DOH Sec. Edwin Mercado sa San Lazaro Hospital ngayong araw, sinabi ni Dr. Solante, kailangan lamang gawin sa ngayon ay agarang magpa-check up kung may sintomas upang maagapan bago pa maging severe case.
Dagdag pa ng eksperto, para naman matukoy kung isa na itong outbreak kailangan pang balikan ang record sa mga nakalipas na taon at tukuyin kung ngayong 2026 ang pinaka mataas na kaso.
Kaugnay nito, aabot na sa 155 na leptospirosis patient ang naka-admit sa San Lazaro hospital at Karamihan sa mga ito ay edad 19-35 habang siyam na ang nasawi ngayong buwan edad 22-59.
Bunsod nito paalala ni DOH Secretary Mercado , agarang magpa-check up sakaling makaranas ng anumang sintomas. | ulat ni DK Zarate