Tinututukan ng Armed Forces of the Philippines ang paggamit ng Artificial Intelligence o AI at botnets sa pagpapalaganap ng disinformation at propaganda online.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na mas nagiging komplikado ang information environment mula nang umunlad ang teknolohiya mula sa dating troll farms.
Ipinaliwanag ni Padilla na maaaring maulit nang maulit sa isang user ang parehong pananaw dahil sa social media algorithms na nagbabase sa mga dati nitong pinapanood at kinagigiliwang content.
Dahil dito, sinabi niyang malaking hamon ang pagbibigay ng balanseng impormasyon upang hindi lamang isang panig ng isang isyu ang patuloy na nakikita ng publiko.
Sinabi rin ni Padilla na kulang pa umano ang kasalukuyang batas para sa mas malawak na cyber operations, kaya kailangan ang malinaw na governance at implementing rules. Para sa AFP, national security concern ang sadyang pagpapakalat ng pekeng impormasyon, lalo na kung ginagamit ito para magdulot ng panic, mag-udyok ng karahasan o magpahina sa mga lehitimong institusyon.