Nanawagan si dating Surigao del Norte Representative at House Impeachment Panel Spokesman Robert Ace Barbers ng mas maluwag na pagpapatupad ng sub judice rule sa impeachment trial.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni Barbers na dapat payagan ang mga spokesperson ng magkabilang panig na magbigay ng malinaw na paliwanag sa publiko tungkol sa mga nangyayari sa paglilitis.
Sa ilalim ng Rule 18, ipinagbabawal ang pagtalakay sa labas ng impeachment court sa merito ng kaso.
Pero giit ni Barbers, maaaring magkaroon ng kaunting luwag sa patakaran para makatulong sa paglaban sa pagkalat ng fake news at maling impormasyon.
Binigyang-diin din niya na dapat pantay ang pagpapatupad ng Rule 18 sa Prosecution, Defense at maging sa mga Senator-Judge. Aniya, mahalagang maintindihan ng publiko ang impeachment process habang nananatiling patas at walang kinikilingan ang mga Senator-Judge.