Nagsagawa ng malawakang preemptive at forced evacuation ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ilang lugar sa Luzon matapos ang matinding pag-ulan at pagbaha dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Kabilang sa mga lugar na tinugunan ng PCG ang Maynila, Cavite, Zambales, Bataan, Pampanga, at mga karatig-bayan.
Pinagana ng PCG ang mga Deployable Response Group o DRG para magsagawa ng search and rescue operations, evacuation, at iba pang humanitarian assistance sa mga komunidad na matinding naapektuhan ng pagbaha.
Namahagi rin ang mga tauhan ng Coast Guard ng food packs sa mga residenteng nangangailangan ng agarang tulong.
Samantala, nanawagan ang PCG sa publiko na mahigpit na sundin ang evacuation orders, lalo na ang mga nakatira malapit sa ilog, waterways, lawa, at iba pang lugar na madaling bahain.
Bahagi ang nasabing pagkilos ng pinaigting na pagtugon ng PCG sa ilalim ng iCARE Program para mas mabilis na mailapit ang serbisyo at tulong sa mga komunidad sa panahon ng kalamidad.