Mayroon ng lead ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa posibleng nasa likod ng kumakalat sa social media na diumano’y isang linggong duty at dalawang linggong off ang mga pulis sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher Abrahano, may person of interest na silang iniimbestigahan kaugnay ng nasabing post.
Pinabulaanan niya ang ganoong sistema, lalo pa’t kapos sa bilang ang mga pulis sa Metro Manila.
Paliwanag niya, may sinusunod na regulasyon ang PNP pagdating sa duty hours at shifting ng mga tauhan. Walong oras ang karaniwang haba ng isang shift, bagaman maaari itong umabot ng 12 oras depende sa assignment at sa security situation.
Iniiwasan naman ang duty na lalampas sa 24 oras dahil maaaring maapektuhan nito ang performance ng pulis.
Maaari naman sampahan ng kaso kapag napatunayang may pananagutan ang nagpakalat ng naturang impormasyon.