Itinuturing nang “clinically stable” ng Philippine National Police General Hospital (PNP-GH) si dating Department of Public Works and Highways Sec. Manuel Bonoan.
Sa panayam sa Kampo Crame, sinabi ni PLtCol. Benaly Bayani, Chief ng Internal Medicine Department ng PNP General Hospital, na kontrolado na ang blood pressure ni Bonoan at patuloy siyang binibigyan ng maintenance medication.
Sinabi ni Bayani na sa ngayon ay wala namang problema sa kondisyon ni Bonoan at nakikita rin itong dumadalo sa mga pagdinig, subalit mahigpit pa rin siyang mino-monitor ng medical team.
Tungkol naman sa posibilidad na makalabas na ng ospital si Bonoan, sinabi ni Bayani na patuloy silang nakatutok sa kondisyon nito at nakadepende sa magiging kautusan ng Sandiganbayan kung ano ang susunod na hakbang.
Magugunitang isinailalim sa hospital arrest si Bonoan dahil sa mga sakit niyang diabetes, hypertension, chronic kidney disease at iba pang medical condition.
Samantala, nauna nang pinagbigyan ng 5th Division ng Sandiganbayan ang hiling ng Office of the Ombudsman na alisin si Bonoan bilang isa sa mga akusado sa kasong plunder at graft na nakabinbin sa anti-graft court.
