Hinikayat ni Marikina 1st District Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro ang mga kapwa mambabatas nito na isaprayoridad ang pagpasa ng panukalang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act.
Ito aniya ang magpapalakas sa transparency at pananagutan sa mga proyekto ng pamahalaan, sa harap ng paglubog sa baha ng ilang bahagi ng Central Luzon at National Capital Region (NCR) nitong mga nakaraang linggo.
Ayon kay Teodoro, dapat maisama ang CADENA Act sa mga priority bill ng Kamara dahil itataguyod nito ang higit na transparency sa paggamit ng pambansang pondo at titiyaking napupunta ang pera ng taumbayan sa itinakdang layunin nito.
Sa panayam sa Marikina City, sinabi pa ng mambabatas na kailangang magtulungan ang mga mambabatas upang matiyak na maisasabatas ang mga prayoridad na panukala gaya ng CADENA Act.
Una rito, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang kaparehong panukala sa Senado, o ang Senate Bill 1506, noon pang isang taon sa botong 17-0, nang walang tumutol o nag-abstain.
Magugunitang pinuri ni Sen. Bam Aquino, na siyang may-akda ng panukala, ang epektibong flood control projects sa mga lungsod ng Marikina at Navotas kaya’t dapat itong tularan sa lahat ng bayan at lungsod sa bansa.