Iginiit ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na hindi dapat idiin si dating Department of Education (DepEd) Undersecretary Michael Poa dahil lamang sa paghahanda nito ng tugon ng ahensya sa audit ng Commission on Audit (COA).
Ayon kay Ridon, si Poa ay testigo lamang at ang tunay na nililitis sa impeachment case ay si Vice President Sara Duterte.
Nagpatibay si Poa ng tugon ng DepEd sa COA Audit Observation Memorandum gamit ang impormasyong ibinigay sa kanya ng mga opisyal na sangkot sa operasyon ng confidential funds.
Sinabi ni Ridon na kung iyon ang impormasyong ipinasa kay Poa at iyon ang naging batayan niya sa pagsagot sa COA, hindi dapat sisihin ang dating opisyal.
Diin niya iba ang pananagutan sa paghahanda ng tugon sa audit at ang posibleng pananagutan sa isang hiwalay na kasong malversation.
Sa naturang kaso, sinabi niyang ang mga personalidad na dapat siyasatin ay yaong mga direktang pinangalanan sa COA proceedings at Notices of Disallowance.
Kabilang dito ang head of agency na si Vice President Sara Duterte, Special Disbursing Officer Gina Acosta, dating security officer Col. Raymund Dante Lachica, at Chief Accountant Julieta Villadelrey.
“Well, I think to be clear, the one on trial here is not Mr. Poa. He is just a witness. The one on trial here is the VP…So tingin ko naman po, if that were the pieces of information relayed to him and that was the best manner by which he could have responded to that AOM, e di tingin ko hindi naman siya dapat ma-place in peril because of that,” ani Ridon.