Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga napapaulat na nasawi dahil sa epekto ng mga nagdaang bagyo gayundin ng Habagat.
Batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) umakyat na sa 41 ang bilang ng mga napaulat na nasawi.
Pinakamarami sa mga ito ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) na sinundan naman ng CALABARZON, Central Luzon, Ilocos, MIMAROPA, NCR at Negros Island Region.
Aabot naman sa 18 ang mga napaulat na nasugatan dahil sa masamang panahon habang nananatili naman sa tatlo ang bilang ng mga napaulat na nawawala.
Samantala, papalo naman sa 609 na lugar sa bansa ang nananatiling lubog sa baha kung saan pinakamarami rito ay buhat sa Central Luzon.
Nasa 83 road sections ang cleared o passable na sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Cordillera, Central Luzon, CALABARZON MIMAROPA at NCR habang nasa anim ang hindi pa rin madaanan sa Benguet, Pangasinan, Pampanga, Nueva Ecija at Tarlac.