Patuloy na nakaalalay ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka at mangingisdang lubos na naapektuhan ng Enhanced Southwest Monsoon o Habagat at mga Bagyong Luis, Maymay, at Neneng.
Batay sa tala ng DA, umabot na sa ₱3.62-bilyon ang pinsala at production losses sa walong rehiyon, na nakaapekto sa 86,466 magsasaka at mangingisda.
Sa ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang interventions ng DA kabilang ang ₱609.79-milyong halaga ng agricultural inputs gaya ng binhi at planting materials at pamamahagi ng 9,260 sako ng palay-milled rice mula sa National Food Authority (NFA) sa mga apektadong LGU.
Mayroon ding ₱35.67-milyon na indemnification para sa 5,005 insured farmers at fisherfolk sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Patuloy din ang koordinasyon ng DA sa mga LGU at iba pang ahensya, kabilang ang pagmomobilisa ng logistical support at KADIWA trucks, monitoring sa presyo at market flow, at pagtatayo ng help desks para sa mga magsasakang nangangailangan ng impormasyon at assistance.

