Nagbabala ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA sa publiko laban sa mga gumagamit sa pangalan ng ahensya para lamang makapanloko o mang-scam.
Sa abiso ng OWWA, huwag basta-basta maniwala sa mga nagpapakilalang kinatawan umano ng ahensya at nanghihingi ng processing fee o bayad para sa ilang serbisyo ng ahensya.
May gumagamit din ng isang messaging app para maningil ng bayad o “processing fee” para sa mga serbisyo at transaksyon.
Paalala ng OWWA, huwag magpadala ng anumang halaga sa anumang personal na e-wallet o bank account ng mga nakakausap sa pamamagitan ng chat.
Ang OWWA ay hindi naniningil ng bayad sa pamamagitan ng personal na messaging app o anumang hindi opisyal na payment channel.
Para sa beripikasyon at upang maiwasan ang scam, hinihimok ang publiko na makipag-ugnayan muna sa hotline ng OWWA na 1-3-4-6.