Photo courtesy | Pacific Islands Forum
Kinondena ng Taiwan ang umano’y agresibong istilo ng diplomasya ng China sa isinagawang Pacific Islands Forum ngayong linggo.
Ayon kay Taiwan Foreign Minister Lin Chia-lung, ang tinatawag na “Wolf Warrior” behavior ng Beijing ay maaaring makasira sa pagkakaisa, tiwala, at kooperasyon ng mga bansa sa Pacific Region.
Naging usapin sa forum ang paglahok ng Taiwan matapos kuwestiyunin ng China ang presensya nito sa pagpupulong.
Nagbabala rin ang Beijing ng seryosong epekto kung isasama ang Taiwan sa mga aktibidad ng forum.
Iginiit naman ni Minister Lin na kapwa inimbitahan ang Taiwan at China bilang mga bisita sa naturang pagtitipon.
Ipinahayag din ng opisyal ang pagkabahala sa umano’y presensya ng mga Chinese personnel na nakasuot ng sibilyang damit sa ilang lugar ng summit na aniya’y maaaring may kaugnayan sa pagmamanman.
Samantala, wala pang tugon ang Chinese Foreign Ministry sa mga pahayag ng Taiwan.
Iginiit naman ni Lin na patuloy na lalahok ang Taiwan sa forum at umaasang lalawak ang suporta sa mga bansang nasa Pasipiko.