Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Ilalatag ni Education Secretary Sonny Angara kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang panukalang executive order para i-update ang mga panuntunan sa suspensyon at pagbabalik ng face-to-face classes gayundin ng on-site work sa mga paaralan.
Ito’y ayon sa Department of Education (DepEd) ay sa isasagawang pagpupulong ng Economic and Development Council sa Palasyo ng Malacañang.
Sa ilalim ng panukala, pina-aamyendahan nito ang ilang pangunahing probisyon gaya ng pagpapalawak ng saklaw ng hazards mula sa mga bagyo tungo sa malakas na ulan, baha, lindol, at daluyong (storm surge).
Gayundin kapag masama ang kalidad ng hangin dulot ng forest fires at pag-aalburoto ng mga bulkan hanggang sa pagpalo ng heat index sa 40 degrees celcius o higit pa.
Pananatilihin naman ng patakaran ang kapangyarihan ng mga paaralan na magsuspinde ng face-to-face classes batay sa validated site-specific assessment at sa pagsang-ayon ng kanilang schools division superintendent.

May nakatalaga ring guidelines sa mga school head sa pagpapasya ng pagbabalik ng in-person classes depende sa sitwasyon sa iba’t ibang lugar na may pagsang-ayon sa local chief executive.
Habang may kalayaang magdeklara ng pagbabalik ng klase ang mga pribadong paaralan naman sa pakikipag-ugnayan din sa kani-kanilang lokalidad.