Nagpaabot ng pagbati si Manila Third District Representative Joel Chua kay Supreme Court Associate Justice Rodil Zalameda sa pagkakatalaga bilang ika-28 punong mahistrado ng Korte Suprema.
Umaasa ang mambabatas na mapananatili ni Zalameda ang judicial independence, gayundin ang pagtataguyod sa rule of law at patas na hustisya para sa lahat.
Hinimok din niya ang bagong Chief Justice na ipagpatuloy ang mga reporma sa ilalim ng Supreme Court Strategic Plan for Judicial Innovations 2022 hanggang 2027, partikular sa pagpapabilis ng mga proseso at pagpapalawak ng access sa hustisya.
Diin niya, dapat maramdaman ng mga ordinaryong Pilipino ang pagbabago sa pamamagitan ng mas mabilis na paglilitis, mas maayos na serbisyo, at mas kaunting aberya sa paghahanap ng hustisya.
Paalala niya na magkaugnay ang judicial independence at institutional accountability upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya.
Hangad ng mambabatas ang tagumpay ni Zalameda sa bagong tungkulin at ang patuloy na pagpapahusay sa serbisyo ng mga korte.
Nagpasalamat din si Chua kay outgoing Chief Justice Alexander Gesmundo sa pagsusulong ng modernisasyon ng hudikatura.