Tututukan ng Department of Agriculture ang mga lugar na posibleng matamaan ng matinding El Niño na maaaring makaapekto sa produksyon ng palay at mais.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni DA Assistant Secretary at Spokesman Arnel de Mesa na pagtutuunan ng suporta ang mga lugar na may sapat na suplay ng patubig.
Palalakasin din ang mga solar irrigation project upang matiyak ang suplay ng tubig sa mga sakahan at mabawasan ang gastos sa fuel.
Partikular na tututukan ang palay at mais dahil malaki ang pangangailangan ng mga ito sa tubig.
Iminungkahi rin ang pagtatayo ng karagdagang water impounding projects sa mga watershed para mapakinabangan ang tubig-ulan.
Layunin nitong mapanatili ang produksyon ng pagkain at makatulong sa pagkontrol ng baha bago tumindi ang epekto ng El Niño. Sabi pa ni De Mesa, mahalaga ang ganitong mga hakbang dahil pagkatapos ng El Niño ay maaari namang sumunod ang La Niña, na maaaring magdulot muli ng matinding pag-ulan at pagbaha.