Aarangkada na ngayong araw, Setyembre 6, ang 2026 Bar Examinations sa buong bansa, kung saan tinatayang 13,441 Bar exam takers ang opisyal na kwalipikadong kumuha ng naturang pagsusulit.
Isinasagawa ang Bar Exams sa 15 Local Testing Centers sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang pitong testing centers sa National Capital Region.
Ngayong unang araw ng pagsusulit, sasagutan ng mga examinee ang Political and Public International Law ngayong umaga, habang Commercial and Taxation Laws naman mamayang hapon.
Kasabay ng pagsusulit ang pagpapatupad ng mga road closure at traffic management measures sa ilang testing centers. Sa UST at San Beda University sa Mendiola, may mga kalsadang isasara sa mga itinakdang oras. Sa UP-BGC naman, walang road closure, pero inaasahan ang mabigat na trapiko sa paligid ng testing center.
May mga pagbabawal din sa ilang aktibidad gayundin ang pagbebenta at pag-inom ng alak sa paligid ng testing centers sa mga itinakdang petsa.
Pinapayuhan ang mga motorista at commuter na magplano nang maaga, gumamit ng alternatibong ruta kung kinakailangan, at sumunod sa mga traffic enforcer. Maliban ngayong araw, nakatakda rin ang ilang bahagi ng Bar exam sa darating na Setyembre 9 at 13.