Umabot na sa 81,383 ektarya ng agricultural areas ang napinsala dahil sa epekto ng pinalakas na Habagat at mga bagyong Luis, Maymay, Neneng, at Pilandok.
Ayon sa Department of Agriculture, nasa ₱4.13 bilyon na ang naitalang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura at pangisdaan sa walong rehiyon sa bansa.
Apektado nito ang mahigit 97,000 magsasaka at mangingisda, habang umabot sa 100,602 metric tons ang production losses.
Pinakamalaki ang pinsala sa palay, na umabot sa 73,307 ektarya, katumbas ng mahigit ₱2 bilyon na pagkalugi. Samantala, patuloy pa ang assessment ng DA, kaya inaasahang madaragdagan pa ang pinsala.