Itinutulak ni Senior Citizen Party-list Representative Rodolfo Ordanes ang isang panukala para awtomatikong masuspinde o mabawasan ang paniningil ng toll fee kapag may malakihang disruption sa mga expressway gaya ng pagbaha, aksidente, pagkasira ng imprastraktura at iba pang emergency.
Sa ilalim ng panukala, maaaring ipatupad ang toll-free passage, pagbawas sa toll fee, credit, refund o iba pang adjustment sa electronic toll accounts ng mga motorista.
Inaatasan naman ang Toll Regulatory Board o TRB na magtakda ng malinaw at uniform na pamantayan kung kailan magsisimula ang toll relief, gaano ito katagal ipatutupad at kailan maaaring ibalik ang regular na paniningil.
Bukod sa toll relief, inaatasan din ang mga toll operator na magbigay ng roadside at emergency assistance at tumulong sa mga stranded na motorista na makapunta sa ligtas na exit, service area o iba pang ligtas na lugar.
Maaari namang patawan ng administrative sanctions ang mga operator na sadyang tumanggi o nabigong ipatupad ang kinakailangang toll relief, habang kailangang i-refund o i-credit ang maling nakolektang toll.
Ayon kay Ordanes, hindi na dapat hintayin pa ng mga motorista ang isang hiwalay na direktiba ng gobyerno bago mabigyan ng toll relief sa oras na mangyari ang isang malakihang emergency.
Kasunod ito ng matinding trapik na naranasan sa mga expressway dahil sa pagbaha, kung saan ilang motorista ang ilang oras na na-stranded sa kalsada.