Binigyang-pugay ng Department of Education (DepEd) ang mga guro sa kanilang sakripisyo at walang maliw nilang pagseserbisyo ngayong ipinagdiriwang ang National Teacher’s Month.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Education Sec. Sonny Angara na ang mga guro ang dapat pasalamatan, ipagdiwang gayundin ay bigyang prayoridad.
Ipinaabot din ng Kalihim ang kaniyang pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga inisyatiba nito para isulong ang kapakanan ng mga guro.
Kinikilala ng Kagawaran ang dedikasyon ng mga guro sa pagbibigay ng higit pa sa kanilang tungkulin upang mapanatiling ligtas at maalagang kapaligiran ang mga paaralan.
Pinangunahan ni Angara ang kick-off ng naturang pagdiriwag sa Cagayan de Oro City kung saan, nagpaabot din ng kaniyang mensahe si First Lady Liza Araneta – Marcos.
Ilan sa mga pangunahing repormang naipatupad ng DepEd ang promosyon ng mahigit 93,000 guro at school heads at patuloy na gumagawa ng mas malinaw na direksyon sa kanilang propesyon sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System.
Binawasan din ng DepEd ang mga kinakailangang regular na papel sa paaralan gayundin ang pagpapalawig ng mga benepisyong pinansyal at medikal.