Photo courtesy of Senate of the Philippines
Kinuwestiyon ni Senate President at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero kung bakit hindi isinumite ng Prosecution sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang lahat ng pangalan na nakalista sa acknowledgment receipts ng confidential funds.
Sinabi ni Private Prosecutor Atty. Mae Divinagracia na pinili lamang ang mga pangalan na isinumite sa PSA dahil may ilang acknowledgment receipts na hindi mabasa ang pangalan, habang ang iba naman ay pirma lamang ang nakalagay.
May kabuuang 2,669 acknowledgment receipts ang OVP, habang nasa 1,800 naman ang DepEd na ipinresenta sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Tinanong din ni Escudero ang Prosecution kung ang naunang nabanggit na 63% ng mga pangalang walang record sa PSA ay nakabatay lamang sa mga pangalang pinili nilang isumite at hindi sa lahat ng pangalan sa acknowledgment receipts.
Kinumpirma ito ng Prosecution.
Ibig sabihin, ayon kay Escudero, maaaring tumaas o bumaba ang porsyento kung lahat ng pangalan sa acknowledgment receipts, kabilang ang mga kasalukuyang hindi mabasa, ay maisumite at ma-verify ng PSA. Samantala, sinabi ng Prosecution na hindi maisasama sa pagsusuri ang mga acknowledgment receipt na pirma lamang ang laman dahil wala silang paraan upang matukoy kung kanino ang mga naturang pirma.