Tinatayang nasa 3% na lamang ng populasyon ang maaaring hindi pa nakukuha sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA), ayon sa kinatawan ng ahensya.
Sa ika-22 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinanong ni Senator-Judge Bam Aquino ang PSA kung gaano kalaki ang posibilidad na ang mga pangalang hindi makita sa kanilang database ay tunay na mga Pilipino na hindi lamang nairehistro ang kanilang kapanganakan.
Ayon kay PSA Assistant National Statistician Marizza Grande, batay sa 2020 Census of Population, nasa 96.6% ng mga Pilipino ang rehistrado ang kapanganakan.
Sa mas bagong datos, bagama’t hindi pa opisyal ang mga datos para sa 2024, sinabi niyang umakyat na ito sa tinatayang 97 hanggang 97.1%.
Ibig sabihin, nasa humigit-kumulang 3% na lamang ang maaaring hindi pa nakuhanan ng birth records.
Sinabi ni Grande na karamihan sa mga hindi pa rehistrado ay kabilang sa Indigenous Peoples, Muslim Filipinos, at mga nakatira sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA), kaya nagsasagawa ang PSA ng mobile registration katuwang ang mga local civil registrar.
Ayon kay Grande, nasa 84% naman ang tinatayang death registration, o may humigit-kumulang 16% na hindi pa naitatala.
Sa kabuuan, sinabi ni Grande na nasa 143 milyon nang birth records ang nasa PSA database.
Kasunod nito, iginiit ni Aquino na mahalagang matukoy muna kung ang mga pangalang nasa acknowledgement receipts (ARs) kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng OVP at DepEd noon na hindi makita sa database ay totoong pangalan o mga alyas.
Ayon sa senator-judge, kung alyas ang ginamit, hindi talaga ito lalabas sa PSA database.
Sa ngayon, sinabi ni Aquino na si dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta pa lamang ang nagbanggit na sa tingin niya ay mga alyas ang ilan sa mga pangalang nasa acknowledgement receipts. Dahil dito, iminungkahi niyang tukuyin sa mga susunod na pagdinig kung mga tunay na pangalan ang mga ito at kung may totoong tao sa likod ng mga pangalang hindi makita sa PSA records.