Aabot sa P643 billion ang pondo ang inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, ibinabatay nila ang nakaraang budget, aktuwal na paggamit ng pondo, mga pangangailangan ng programa, prayoridad ng pamahalaan, at available na resources sa pagtukoy ng pondong ilalaan.
Kabilang sa mga major infrastructure flagship projects ang bahagi ng Pasig-Marikina River Channel Improvement Project at iba pang proyekto sa ibang lugar sa bansa.
Noong nakaraang linggo nang matalakay sa pagdinig ng Senate Committee on Finance ang ilang flood control projects sa Metro Manila na naging epektibo sa pagtugon sa problema kontra baha.
Sinabi ni Senator JV Ejercito na naging epektibo ang pagtugon ni Navotas City Rep. Toby Tiangco sa pagbaha sa lungsod kahit na nasa 70 porsyento ng Navotas ay nasa below sea level.
Ipinakita aniya ng Navotas City ang kahalagahan ng pangmatagalang pamumuhunan sa imprastraktura para sa flood control.
Kabilang sa epektibong proyekto ang navigational gate, coastal dike, at network ng mga pumping station ng lungsod para makontrol ang tubig-baha para maiwasang makapasok ang tubig-dagat sa mga komunidad tuwing high tide.